SI ERNIE, ANG KAIBIGAN KONG ITA

Sa alaala na lang malinaw ang dating yaman nila Ernie. Ang imahe ng dating malawak na lupaing tinutubuan ng samu’t saring mga gulay at prutas na makakain ng mga hayop at tao ay isang alaalang nananatiling buo sa kanyang pusong puno pa rin ng pag-asang matatamasa muli. Sagana sa pagkain at tubig ang buhay noon, bukang bibig ng kaibigan kong Ita nang magsimula siya magkuwento tungkol sa buhay nila noon bago pumutok ang Bulkang Pinatubo. Nakatingin siya sa malayo, kaliwa’t kanan ang pagtuturo habang pilit pinaiintindi kung gaano kalawak ang lugar nila noon.

“Ang daming pagkain noon. Nagtatanim kami ng ampalaya, gabi, pinya. Madami!” Pagmamalaki ni Ernie habang ipinapakita kung gaano kalalaki ang mga gulay na naaani niya noon. “Ganito kalaki!” Idiniretso ni Ernie ang kanyang humigit kumulang limampung taong gulang na braso para ipakita na ganoon kalaki ang mga ampalayang inaani niya noon, ga-braso. Ganoon din daw halos kalaki ang mga isda na hinuhuli nila sa ilog noon. Malinis ang tubig at napakalamig! Tiyaka siya natigilan at napatingin sa mga kasamahan.

Ang dating malawak na lupain na puno ng nagsasayawang mga damo, puno, mga ibon at iba pang mga hayop at insekto na nagdiriwang sa mga prustas at bulaklak ay naging isang malawak na disyerno. Halos mabaon na sa limot ang paraisong nila Ernie noon.

Kasabay ng pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1990 ang pagkawasak ng tirahan ng mga Ita.

Dati,

bago pa pumutok ang Bulkang Pinatubo,

bago pa nagkaroon ng mga pulitiko,

bago pa magkaroon ng gobyerno,

bago pa masakop ng mga dayuhan ang Pilipinas,

bago pa matawag na Pilipinas ang mga lupaing ito,

malago ang lahat.

 

Dati,

bago pa sirain ang kalikasan,

nakatira na ang mga Ita sa Pilipinas.

 

Dati,

walang Itang nagugutom dahil malawak ang lupain.

 

Dati,

buhay ang lupa,

may tumutubo, umaagos ang tubig mula sa bundok, busog ang mga hayop,

buhay ang lahat.

 

Dati,

panay ang pagsayaw at pagdasal nila kay Apo

panay pasasalamat sa patuloy na pagbuhay sa mga Ita,

sa walang sawang pag-alaga sa mga taong naninirahan

sa kagubatan, sa kabundukan

ng Pilipinas.

 

Dati,

ang lupaing ito ay para sa’ting lahat.

 

Ginalit ng tao si Apo.

Sinaktan ng tao ang Bundok Pinatubo kaya ito pumutok

sa galit.

 

Labimpitong taon si Ernie noon, tandang tanda pa niya. Kitang kita sa kanyang mga mata ang linaw ng mga imahe. Tatlong araw bago pumutok ang bundok, pinalikas na sila ng mga sister na padala ng Diyos. Puputok na raw ang Bulkang Pinatubo.

Tulad ng isang batang nasugat sa paa. Sumigaw nang malakas ang bulkan. Paulit-ulit siyang umiyak sa sakit, paulit-ulit bumwelo para maisigaw ang kanyang pinakamalakas at pinakamatining para marinig ng sanlibutan. Iyak siya nang iyak. Ipinaramdam niya sa lahat na buhay din siya. Wala siyang pakialam kung sino ang masaktan. Tamaan kung tamaan, kahit sino pa!

  • Kano
  • Hapon
  • Intsik
  • Minero
  • Turista
  • Pilipino
  • unat man o kulot

Wala siyang pakialam. Nasaktan siya. Galit si Apo Namalyari, ang espiritu na nangangalaga ng kabundukan.

Inalala ni Ernie ang panahong iyon.

Habang palakad-lakad, palipat lipat ng matutuluyan, habang naghahanap ng pansamantalang masisilungan, napuno ng abo ang paligid. Napuno ng abo ang hangin. Binalot ng abo ang buong paligid. Mula kalsada hanggang sa mga bahay at mga tindahan, napuno ng abo mula sa pagsabog ng bulkan.

Wala na ang bahay at kabuhayan ng mga Ita. Wala na ang lahat. Ang lupang ninuno na inihabilin sa kanila ay nabaon na sa lahar.

Nagpalipat lipat sila ng tirahan, nakikiusap sa ibang mga katutubo para maggapas.

Sta. Cruz, pa-Angeles, pa-Balibago, hanggang San Fernando, nagpalit-lipat sila kung saan may taong nais silang patirahin. Kung saan may trabaho, kung saan makakukuha ng pera para makabili ng maipapakain sa mga anak at apo, kung saan may pagkain at kabuhayan, doon sila.

Gamit ang mga likas na katangiang ng mga tunay na Pilipino, nagtulung-tulong sila–katutubo para sa kapwa katutubo, Ita para sa kapwa Ita, tao para sa tao, tulung-tulong, bayanihan, para mabuhay sa araw-araw. Tulungan, tulad ng kinagisnan ng kultura ng mga Ita simula pa noon.

Mahirap maging maliit, maitim, kulot, puno ng lupa mula ulo hanggang paa at katutubo

lalo na sa panahong hirap ang lahat kumita ng pera

sa mundong pera ang gamit para makapagkalakal,

at batayan ng progreso at estado.

Sa isang iglap, mahirap na ang mga Ita.

  • Wala na silang tirahan
  • Wala nang makunan ng pagkain
  • Wala nang mainom

At dahil walang sariling lupa,

  • walang matamnan,
  • walang makunan.

Walang meron.

“Hanggang sa napunta na kami sa Nueva Ecija. Doon na kami nanatili ng sampung taon.” ani ni Ernie. Tiyaka lang siya muling napangiti.

Sampung taon din ang lumipas bago sila unti-unting bumalik sa Porac, Pampanga. Sampung taon din sila naghintay para makabalik sa lupa ng mga Ita. Paisa-isa, tinamnan nila ang lupa, pinataba at tinirhan. Nag-alaga sila ng mga kalabaw, babuyramo, at mga manok.  Muli nilang binuo ang nasirang lugar ng mga Ita. Muli silang nagdasal kay Apo. Muli silang nakatira sa lupang tinirhan ng mga ninuno. Muli nilang binuo ang Sitio Pidpid, Camachile, Porac, Pampanga.

Mula labing walong libo mahigit ektaryang dating puno ng mga kagubatan, hindi na mabilang sa mga daliri ng isang kamay ang para sa mga Ita. Kinain na ng modernisasyon ang kanilang lupa. Pinagbibili ng mga mayayaman ang mga lupa para gawan ng iba’t ibang uri ng imprastraktura.

Noon, buo ‘yan! Ngayon, ito (berde) na lang. Tapos diyan pa sila nag-quarry. 

Sa No Quarry Zone

Tuwing kinakamusta ko si Ernie, palagi siyang “Okay naman.” Okay naman, nito lang sila talaga napikon nang maubos na ang tubig na maiigib. Dahil sa malakihang quarry at malawakang pagbutas at paghukay sa lupa, natuyo ang tubig sa ilog. Nakalbo ang iba pang mga bundok sa Tarlac-Zambales Mountain Range. “Kaya natatakot nanaman kami. Baka magalit nanaman si Apo.”

Tinitigan ako ni Ernie nang matagal.


Article by Mark See

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *